Fish Talks: Ang kalagayan sa paggawa ng mga manggagawa sa SLORD Development Corp.

0
638

Maaliwalas ang mukha ni Kris Aquino habang nililibot niya ang pagawaan ng sardinas. Kasing-saya ng kanyang mukha sa video ang cardboard standee niya na ineendorso ang Uni-Pak Mackerel, na siyang minamanupaktura ng SLORD Development Corporation.

Nilibot ni Kris Aquino, endorser ng Uni-Pak Mackerel, ang pagawaan ng sardinas at inalam ang proseso ng magpanupaktura ng produkto. Video mula sa The Aquinos na Youtube Channel. 

Ang SLORD Development Corporation ay isang toll packing company sa Navotas. Ito ang nagpoproseso ng mga pagkaing-dagat na galing sa Korea at Japan at pati na ng mga produktong gulay upang maging de-latang pagkain.

Sa kanyang pagbisita sa planta, bilib na bilib si Kris sa kalinisan nito. Pinuri niya rin ang paninigurado ng kumpanyang mabigyan ng safety gear ang mga nagtatrabaho, pati ang kabutihan ng mga may-aring bigyan ng oportunidad na magtrabaho ang umaabot sa 600 na manggagawa.

“Each person na binibigyan ng trabaho, you multiply that with five. Siya, tapos merong four family members ang natutulungan ng trabahong ‘yon. Spread the wealth, so the wealth will come back to you,” sabi pa nga ni Kris.

Pero may hindi alam ang tinaguriang “Queen of All Media” tungkola sa pagawaan ng sardinas.

 

Si Kris Aquino kasama ang kanyang standee sa opisina ng SLORD Development Corp. Screengrab mula sa Youtube Channel ng The Aquinos.

Habang ilang oras lang ang itinagal ni Kris sa planta, 28 taon nang nagtatrabaho dito si Norinda Nacinopa. Bente-tres anyos lang siya noong bumiyahe siya mula pa sa Samar, kasama ang kanyang mga anak, upang makipagsapalaran sa Maynila. Naipasok siya bilang filler sa SLORD at maliban sa pana-panahong pagkakatanggal ay nanatili na rito.

Si Norinda Nacinopa sa ‘Fish Talks’, isang forum hinggil sa kalagayan ng mga manggagawa sa Navotas. Kuha ni Erika Cruz.

Hindi pantay ang kinikita ng mga manggagawa sa SLORD. Nakabatay ang kanilang sahod sa katayuan nila sa paggawa. Ang mga manggagawang regular ay tumatanggap ng P512, katumbas ng minimum wage na itinakda para sa Metro Manila. Tumatanggap rin sila ng mga benepisyo, libreng uniporme at safety gear. Dahil may unyon sila, maluwag silang nakakapag-usap sa management.

Ang mga regular extra tulad ni Nanay Norinda ay sumasahod ng P370 bawat 8 oras; ngunit hindi tulad ng regular, hindi sila nakakakuha ng pay slip. Hindi rin sila binibigyan ng management ng company ID. Navotas Fishport ID lang ang meron sila. Bago ang inspeksyon ng Department of Labor and Employment (DOLE) ngayong taon, P320 ang sinasahod nila bawat araw – P192 mas mababa kaysa sa minimum wage.

Imbes na company ID, ID lang ng Navotas Fishport ang natatanggap ng mga manggagawa. Kuha ni Erika Cruz.

Hindi lang basta’t birong palayaw ng mga manggagawa para sa “endo” (end of contract) ang 555. Dahil tinatanggal sila ng management at “pinapagpapahinga” kada limang buwan, ani nila, wala na rin silang ibang mabibiling murang pagkain kundi mga de-latang sardinas. Tulad ng mga regular extra, parehong P370 ang sinasahod ng mga manggagawang casual sa kumpanya. Natatapos ang kanilang kontrata pagkatapos ng limang buwan at maghihintay sila ng tatlong buwan bago sila makapag-apply muli ng trabaho sa SLORD.

Kapag na-“endo” ang mga manggagawang casual, naghahanap sila ng iba pang mapapasukang pagawaan. Nairaos ni Nanay Norinda ang mga buwang walang pasok sa SLORD sa pag-apply sa pabrika ng Saba Sardines.

“Naranasan kong mananghalian ng banana cue para lang may sapat na baon ang mga anak ko eskwela,” kuwento ni Nanay Norinda. Labing-tatlong taon siyang naging casual sa SLORD bago maging regular extra noong 2013.

Noong Disyembre 2010, sumahod lamang ng P483.91 si Nanay Norinda para sa isang linggong trabaho. Kuha ni Erika Cruz.

Ang isa pang klase ng manggagawa sa SLORD ay ang mga extra. Sila ay tumatanggap ng arawang sahod na P350 o P280 bago ang inspeksyon ng DOLE. Kung ang unang tatlong klase ng manggagawa ay pumapasok sa trabaho ng 7:30 nang umaga, ang mga extra ay pumapasok ng madaling araw. Alas-tres pa lamang nang umaga, pumipila na sila sa tarangakahan ng pagawaan at magbabakasakaling kulang ang bilang ng mga manggagawang dumating at sila ang magsisilbing kapalit. Walang katiyakang makakapasok sila sa planta. Nakasalalay ang pagkain ng kanilang pamilya para sa araw na iyon sa pagiging absent ng kapwa nilang manggagawa.

Iba pa ang sistema ng pasahod sa cutting department. Imbes na arawan, pakyawan ang sahod nila o P23 bawat isang timba ng tambang nahihiwa. Nagdedepende pa ang kundisyon ng paggawa sa pagiging senior, junior, o extra ng cutter.

Karamihan sa mga manggagawa ng SLORD ay kababaihan. Nanganganib ang marami sa kanila na matanggal sa trabaho dahil sa kanilang edad. Tulad ni Nanay Norinda, mahigit 20 taon nang nagsisilbi sa SLORD ang mga manggagawang kababaihan.

Mga manggagawang kababaihan sa SLORD Development Corporation. Kuha ni Erika Cruz.

Sa mahigit dalawang dekada sa kumpanya, ni isang beses ay hindi nila naranasan ang kaluwagan sa mga kundisyon sa paggawa. Hindi tinatakda ng batas ang pagbibigay ng mga benepisyo sa mga manggagawang kontraktwal, tulad ng double pay kapag pumapasok sila tuwing holiday. Kung tumatanggap man sila ng overtime, binabayaran lamang sila ng P57 bawat oras; umaabot ng apat hanggang limang oras ang overtime dahil sila pa ang naglilinis ng mga makina at paligid ng pagawaan.

Wala ring konsepto ng sick leave ang management ng kumpanya para sa mga hindi regular. Nitong nakaraang linggo lang, isinuspinde ng isang linggo ang manggagawang nakapag-absent sa trabaho dahil ayon sa management ay lagpas na raw ang bilang ng pagliban niya.

At kapag naaksidente o nagkasakit man ang isang manggagawa, sariling sikap na lang dahil wala rin silang hinuhulugang Philhealth. Ganoon din para sa Social Security System (SSS) at Pag-ibig. Kuwento ni Nanay Norinda, may nakatatandang kasamahan siyang nadulas sa filling area habang naglilinis pagkatapos ang walong oras na trabaho. Bagama’t dinala siya ng management sa isang ospital sa Tondo, hindi na siya sinahuran para sa araw na iyon. Wala rin siyang natanggap na tulong-pinansyal para sa panggagamot o kabayaran para sa mga araw na hindi siya nakapasok.

Bukod sa mababang sahod at kawalan ng benepisyo, pasan pa ng mga manggagawa ang gastos para sa kanilang sombrero, face mask, apron, guwantes, at bota. Para raw makatipid, hinihingi nila Nanay Norinda ang mga pinaglumaang gamit ng mga regular. Libre kasing binibigay ng management ang kagamitang ito para sa mga regular.

Pero hindi rin sa lahat ng pagkakataon ay nagkakasundo ang mga regular sa mga manggagawang extra-regular, casual, at extra. Ayon kay Nanay Norinda, kapag may inihapag ang huling tatlong nabanggit sa unyon ng mga regular, sinasabihan sila ng mga opisyal ng unyon na wala silang pakialam sa ibang mga manggagawa.

Sa ilalim ng batas, hindi puwedeng magtayo ng unyon ang mga kontraktwal na mga manggagawa. Ginagawa ring lehitimo ng batas ang pagtatanggal ng mga manggagawa pagkatapos ng isang takdang panahon o kung kailanman gusto ng management.

“Matatanggal din kami sa trabaho. Kapag hindi kami lumaban, mababalewala ang lahat ng pinaghirapan namin,” sambit ni Nanay Norinda.

Nagsisimula na ring kumuha ang management ng mga manggagawang edad 18 hanggang 35. Dahil karamihan nga ng mga manggagawa ay kontraktwal, wala rin silang matatanggap na retirement benefits.

Sa edad na 51, masugid na nag-oorganisa si Nanay Norinda ng kapwa niyang manggagawa sa SLORD. Mula sa limang manggagawa, naging 20 ang myembro ng samahan at dumarami pa sila sa bawat araw na pumapasok sila sa pagawaan. Pinapanguluhan ni Nanay Norinda ang Samahang Manggagawa sa SLORD Development Corporation.

“Kailan pa kami maninindigan para sa aming mga karapatan? Kapag natanggal na kami?” dagdag ni Nanay Norinda.

Sa ilang buwan mula noong nabuo ang samahan, nagawa na nilang magpa-inspeksyon sa DOLE. Sa tatlong isinagawang inspeksyon ng ahensya, iniulat nito na mas mababa sa minimum ang sahod na natatanggap ng karamihan sa mga manggagawa; halos lahat ng mga manggagawang nagtatrabaho ng maraming taon sa kumpanya ay hindi pa rin regular; at may mga paglabag ang kumpanya sa occupational safety and health (OSH) standards.

Magkakaroon na ng mandatory conference sa pagitan ng DOLE, SLORD management, at ng samahan bago matapos ang buwang ito. Dito mapag-uusapan ng mga grupo ang mga paglabag sa labor standards ng kumpanya at ang mga atas ng DOLE upang matamasa ng mga manggagawa sa SLORD ang maayos na kalagayan sa paggawa.

Nalaman ng management na aktibo ang mga manggagawa sa mga talakayan, pulong, at kilos-protesta laban sa kontraktwalisasyon. Isang beses, pinatawag si Nanay Norinda sa opisina at kinausap ng isang opisyal. Tinanong siya kung ano ang ginawa nila sa DOLE.

Sabi ni Nanay Norinda sa opisyal: “Inalam lang po namin ang kalagayan naming mga manggagawa. Ipinaglaban lang namin ang aming karapatan. May mali ba sa ginawa namin?”

Sagot ng opisyal, wala naman. “Wala naman pala e,” patawang sabi ni Nanay Norinda.

Nakatakda kahapon, Abril 16, ang pagpirma ni Pangulong Duterte sa isang executive order na inaasahan ng milyun-milyong manggagawang magwawakas sa kontraktwalisasyon. Hindi na naman ito natuloy; nagpahayag na lang si Presidential Spokesperson Harry Roque na pipirmahan ni Duterte ang EO bago ang Mayo 1 o sa mismong Pandaigdigang Araw ng Paggawa.

Noong nakaraang linggo pa lang ay sinabi na ni Senior Deputy Executive Secretary Menardo Guevarra na walang kapangyarihan ang Malacañang na wakasan ang kontraktwalisasyon. Kakailanganin ang Kongreso upang amyendahan o tanggalan ng mga probisyon ang Labor Code na naglelehitimisa nito.

Aktibo ang mga manggagawa ng SLORD sa talakayan hinggil sa kalagayan ng paggawa sa Navotas. Kuha ni Erika Cruz.

Habang hindi pa natutupad ang isa sa mga pangako ni Duterte noong eleksyong 2016, patuloy na nag-oorganisa sina Nanay Norinda. Walang pagod na nagpaparami at nagpapalakas ang Samahang Manggagawa sa SLORD Development Corporation.

Mga myembro ng Samahang Manggagawa sa SLORD Development Corp. sa DOLE. Kuha ng Bayan Manila.

The post Fish Talks: Ang kalagayan sa paggawa ng mga manggagawa sa SLORD Development Corp. appeared first on Manila Today.