Gina Lopez, pinarangalan ng mga progresibong grupo

0
199

Sa pagpanaw ni Regina “Gina” Lopez nitong Agosto 20, nagbalik- tanaw ang iba’t ibang sektor sa tulong na naiambag niya sa pagtaguyod ng mga karapatan ng mga bata at kababaihan, at ang adbokasiya niya sa kalikasan.

Inilarawan ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), si Lopez bilang “di matitinag na tagapagtanggol ng kalikasan at ng mga bulnerableng sektor.”

“Sa maikling panahon niya sa DENR (Department of Environment and Natural Resources), ipinakita niya ang magagawa kapag may malinaw na paninindigan at prinsipyo para sa bayan. Sa loob man o labas ng gobyerno, naging makabuluhan ang kanyang mga kontribusyon,” sabi pa ni Reyes.

Inalala naman ni Judy Taguiwalo, dating kalihim ng Department of Social Welfare and Development  (DSWD), ang naging trabaho ni Lopez sa gabinete.

“Artikulante siya at walang takot sa pagprisinta ng mga programa ng DENR na magpoprotesta sa kalikasan, magtatanggol sa mga komunidad ng mga katutubo, at maglilikha ng kabuhayan sa mahihirap sa mga pulong ng gabinete,” ani Taguiwalo.

Nalala rin niya kung papaano tinindigan ni Lopez ang pagpapasara sa malalaking komersiyal na operasyon ng mina dahil sa pagsira nito sa mga bundok, mga rekurso ng tubig at lupaing ninuno ng mga katutubo. Nilabanan ng malalaking kompanya ng mina, at pati na rin ng ilang miyembro ng gabinete, ang mga inisyatibang ito ni Lopez pero nanindigan ang kalihim, kuwento pa ni Taguiwalo.

Ipinunto naman ni Joms Salvador, pangkalahatang kalihim ng Gabriela, na sa kabila ng bakgrawnd niya bilang miyembro ng isa sa pinakamayamang pamilya sa bansa, naging alyado si Lopez ng mardyinalisadong mga komunidad at sektor.

“Hindi naging hadlang ang bakgrawnd niya ng prebilehiyo sa pagtindig ng prinsipyadong tindig sa marami sa mardyinalisado sa lipunan—bilang aktibistang pangkalikasan at bilang tagapagtaguyod ng karapatan ng kababaihan at bata laban sa abuso at diskriminasyon sa maraming panlipunang paglahok niya,” ani Salvador.