Maojo Maga, organisador ng manggagawa

0
344

Malinaw na ipinakikita ng mga nakaraang pag-atake sa mga epektibong kritiko ng rehimeng Duterte na wala itong pinagkaiba sa mga nakaraang rehimen sa pagsupil, pamamaslang, pagdukot at pagsampa ng gawagawang mga kaso sa mga legal na aktibista.

Isa sa mga pinakahuling biktima nito si Marklen Maojo Maga, 39, organisador ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at dating lider estudyante sa Polyteknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP).

Sa inisyal na ulat ng kaniyang pagkakadukot, naglalaro ng basketball si Maojo kasama ng kanyang mga kapitbahay sa Greenland Townhomes sa San Mateo, Rizal sa pagitan ng 8:44 at 8:51 ng umaga noong Pebrero 22.

Nilapitan siya ng kalalakihang nagpakilalang mga pulis na nakasibilyan sakay ng puting Hi-Ace van na may plakang VH 1410, isang silver Toyota Innova, at isang motorsiklo. Pinosasan siyang agad at sinabing sumunod na lamang sa mga ito. Hindi sinabi sa kanya kung bakit siya inaaresto o sinabihan ng kaniyang mga karapatan. Kaagad siyang piniringan pagkasakay ng van.

Base sa rekord ng van, nakarehistro ito sa ibang sasakyan. Sa logbook ng subdivision, isang nagpakilalang Ken Estocado Flores ang driver nito at ipinakilala ang sarili bilang pulis at nagpakita ng voter’s ID bilang pagkakakilanlan.

Hindi kaagad nalaman ng kanyang asawa ang nangyari dahil tinakot umano ang mga kalaro ni Maojo at iba pang mga nakakita. Nalaman na lamang ito ng kaniyang asawa ng may nagsabi sa kaniya bandang alas-12 ng tanghali.

Inaresto si Maga na walang anumang warrant laban sa kanya. Sa buong panahon ng kanyang pagkakadukot hindi siya nasabihan kung bakit siya dinala ng mga ito at kung anong kaso ang kanyang kinakaharap.

Ayon kay Maga, nagpaikut-ikot muna sila bago siya dinala sa Camp Crame sa Quezon City bago mananghalian. Sumailalim siya sa interogasyon na walang abogado ng ilang oras. Lumalabas di umano sa interogasyon na na tila idinadawit siya sa isang insidente ng pamamaslang sa Agusan del Sur na kaniyang mariing itinanggi.

Ilang sandali pa, isang pulis ang nagpakita ng larawan ng isang .45 baril na may pitong bala at sinasabing sa kaniya umano ang nasabing baril. Itinanggi iyon ni Maga at tumangging pumirma sa anuman na ipiniprinsinta sa kanya ng mga pulis.

Tinatayang natapos ang interogasyon ng ala-una ng hapon at inilipat siya sa holding cell ng CIDG-NCR sa Crame. Hindi siya pinayagang maka-usap ang kanyang mga abogado at pamilya. Nakontak na lamang niya ang kanyang pamilya bandang ala-singko ng hapon.

Isang organisador si Maga ng KMU partikular sa mga pier at pabrika sa Valenzuela sa Central Luzon. Dati siyang miyembro ng League of Filipino Students sa PUP at founding national council member ng Anakbayan.

Nangyari ang pagdukot kay Maga kulang isang buwan matapos maaresto ang kaniyang biyenan na si NDFP Consultant Rafael Baylosis.