Nanikluhod sa China

0
255

“Hindi ko gustong alarmahin kayo sa babanggitin kong ito dahil sa problema ninyo sa Hong Kong…kaya humihingi ako ng patawad…Pero sinasabi ko ito dahil nangako ako sa mga kababayan ko.”

Ito diumano ang entrada ni Pangulong Duterte kay China Pres. Xi Jinping, ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, sa pagbanggit niya ng desisyon ng Permanent Court of Arbitration na nagsasabing pag-aari ng Pilipinas ang mga teritoryo sa katubigan ng West Philippine Sea na inaangkin ng China.

Sinabi rin ni Panelo na agad din namang giniit ni Xi na hindi kinikilala ng China ang naturang desisyon sa pandaigdigang korte. Mananatili ang pangangamkam nila sa West Philippine Sea. Agad na tumiklop si Duterte.

Isinasalarawan nito ang relasyon ng gobyerno ng Pilipinas sa China: parang utusang natatakot na kagalitan ng amo niya; tiim-bagang at dahan-dahang naglalakad nang patiyad sa paglapit sa amo. Naobliga o napuwersang magsalita ang utusan, pero agad na nanahimik nang bulyawan ng amo. Malayung malayo ito sa imahen ni Duterte bilang siga, maton, matapang, at maaksiyung lider na pinakilala sa atin ng kanyang kampo, mula panahon ng eleksiyong 2016 hanggang ngayon.

Iba ang amo

Ang problema, hindi mga Tsino ang dapat na amo ni Duterte, kundi ang mga mamamayang Pilipino.

Paulit-ulit na ang pangangayupapa ni Duterte sa “imperyalistang Tsino” at sa pangulo nitong si Xi— hindi lang sa usapin ng West Philippine Sea, kundi pati sa mga kasunduang proyekto na nilagdaan niya kasama si Xi.

Kasama na sa anim na mayor na mga kasunduang nilagdaan ang sabayang eksplorasyon ng Pilipinas at China sa Recto (Reed) Bank – lugar sa West Philippine Sea na mayaman sa natural gas na ayon sa arbitral ruling ay bahagi ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.

Kinuwestiyon na ng maraming eksperto sa batas ang naturang joint exploration scheme na pinasok ni Duterte sa China. Ayon kasi sa administrasyong Duterte, papasok ang dalawang bansa sa kasunduang magsagawa ng eksplorasyon sa yamang-dagat sa Reed Bank nang sang-ayon dapat sa batas ng Pilipinas at China.

Pero sabi ni Supreme Court Justice Antonio Carpio, kilalang eksperto sa sigalot sa West Philippine Sea, kung pumapaloob ang kasunduang ito sa batas ng Pilipinas, okey o katanggaptanggap ang kasunduang ito sa atin. Pero paano nito umano magagawang sumang-ayon sa batas ng Pilipinas (na ginigiit na may-ari ng Reed Bank ang Pilipinas) habang sang-ayon din sa batas ng China (na ginigiit namang ito ang mayari ng Reed Bank)?

Ayon sa Communist Party of the Philippines (CPP), mistulang “pinakamasahol (sa mga di-pantay na kasunduan sa China) ang planong pagtulak ng ‘sabayang plano’ na galugarin at pagsamantalahan ang mga rekursong langis sa lugar na karatig ng Reed Bank.”

Malinaw sa CPP— maituturing na pikamalupit na kritiko ngayon ng rehimeng Duterte, lalo na sa usapin ng panghihimasok sa bansa ng China at US—na luging lugi umano ang Pilipinas sa kasunduang ito. “Dahil sa kontrol sa kapital at kakayahang teknolohikal at industriyal nito, siguradong makokontrol ng China ang oil drilling operations, sa kapahamakan ng Pilipinas.”

Dibuho mula sa Sat's ire FB page

Dibuho mula sa Sat’s ire FB page

Pinuna rin ng CPP ang iba pang di-pantay umanong mga kasunduan na nilagdaan ni Duterte at Xi na pabor sa interes ng mga Tsino. Kasama rito, ayon sa rebolusyonaryong grupo, ang US$3.5 Bilyong utang para sa pagpapatayo ng sistema ng tren mula Maynila tungong Bicol.

“Hindi kaiba ito sa nakaraang mga utang sa mga Tsino, na pagbabayaran ng mga mamamayang Pilipino nang may dalawang porsiyentong interes, (o) sampung beses na mas mataas kumpara sa katulad na opisyal na mga utang sa Japan,” ayon pa sa CPP.

Tagibang

Sa kabila ng malinaw na pangangayupapa ng rehimeng Duterte sa gobyernong Tsino, tinangka ng rehimen na ipakitang hindi masyadong tagibang ang relasyong ito. Bago bumisita si Duterte sa ikalimang pagkakataon sa China noong nakaraang linggo, naglabas ito ng balitang “humingi na ng patawad” ang China sa pagkakabunggo ng barkong Tsino sa bangka ng 22 mangingisdang Pilipino sa Reed Bank noong Hunyo 9.

Pero halata, para sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), na pakitang tao lang ang “paghingi ng tawad.” Hindi binanggit ng sulat ng China sa Pilipinas na sadyang binunggo ng Chinese vessel ang MV GemVer na bangko ng mga Pilipino. “Tinatago rin ng paghingi ng dispensang ito ang katotohanang lumabag ang Chinese vessel sa Exclusive Economic Zone ng Pilipinas,” ani Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bayan.

Malinaw, kung gayon, na maling mali ang “paghingi” pa ng “dispensa” ni Duterte sa China. Ang totoo, mistulang pagtataksil umano ito sa interes ng mga Pilipino.


Featured image: Larawan mula sa PCOO