Parusang kamatayan: dapat bang ibalik na?

0
174

Sa kasalukuyan, 12 panukalang batas ang nakabinbin sa Kongreso na nagbabalik ng parusang kamatayan o death penalty sa ating bansa.

Sa Senado naman, may 7 pang kahalintulad na panukalang batas na nakasalang.

Kung maaalala, tinanggal sa ating batas ang parusang kamatayan at pinalitan ito ng habang buhay na pagkakulong noong Enero 2006. Kaya higit 10 taon na tayong walang death penalty.

Ngunit sa ngayon ay marami ang humihiling na ibalik na ang parusang kamatayan.

Ayon sa mga ito, death penalty lamang ang tanging makakapagpatigil sa lumalalang kriminalidad sa bansa, lalo na ang paglala ng drug-related offenses.

Ngunit marami rin sa ating mamamayan na mga pro-life advocates ang kumukontra sa panukalang ito.

Sinasabi nila na ang buhay ay galing sa Maylikha at tanging Siya lamang ang may karapatan para kumitil nito.

Sino ba sa dalawa ang ating papanigan mga kasama?

Upang maunawaan nating mabuti ang isyung ito, dapat hindi lamang tayo sa relihiyon tumingin. Dapat tingnan rin natin kung anong sinasabi ng ating statistika.

Ayon sa statistika, walang patunay na ang death penalty ay nakapiit sa paglaganap ng mga krimen sa Pilipinas.

Kung titingnan, mas kumunti pa ang krimen nang ipatupad na ang life imprisonment kaysa noong may death penalty pa.

Batay sa datos na galing sa Philippine National Police, noong 2009 ay may 502, 662 na naganap na index at non-index crimes. Noong 2010, ito ay naging 324,083 na lamang. Noong 2011, ito ay naging 246,958 na lang. At noong 2012, ito ay naging 217,812.

Maliwanag ang pagbaba ng krimen nang hindi na umiiral ang parusang kamatayan.

Pangalawa, ang parusang kamatayan ay kontra-mahirap.

Batay sa isang survey na ginawa noong Mayo 2004 noong umiiral pa ang death penalty, 73.1% ng mga naparusahan ng kamatayan ay galing sa sektor ng mahihirap.

1/3 sa mga ito ay galing sa hanay ng mga magsasaka.

Kalahati lamang sa mga ito ay may sariling bahay. Kung may bahay man sila, ito ay gawa sa temporaryong materyales lamang.

1/3 rin sa mga ito ang walang kuryente.

Karamihan din sa kanila ay walang kakayanang magbayad ng sariling abugado at umaasa lamang sa Public Attorney’s Office (PAO).

Sa isang survey na ginawa ng Commission on Human Rights (CHR) nito lamang 2018, lumabas na marami sa publiko ang naniniwala na ang parusang kamatayan nga ay kontra-mahirap.

Pangatlo, ang pagbalik sa parusang kamatayan ay lumalabag sa international law.

Maalaala natin na pumirma ang Pilipinas sa 2nd Optional Protocol to the International Covenant on Civil and Political Rights (ICCPR).

Bilang isang malaya at demokratikong bansa, pumayag ang Pilipinas sa pamamagitan ng kasunduang ito, na hindi na nito ibabalik ang parusang kamatayan sa ating bansa.

Ang 2nd Optional Protocol na ito ay nagkabisa noong Pebrero 20, 2007, 20 taon matapos ang ating Saligang Batas.

Kung ibabalik natin ang death penalty, maliwanag na sinasalungat natin ang ating obligasyon sa ilalim ng international law.

Ang paglabag na ito ay magdudulot ng masamang epekto sa ating bansa.

Maaaring mawalan ng tiwala ang ibang bansa sa atin dahil tayo pala ay hindi marunong sumunod sa ating pinangako, lalo na at karamihan sa mga bansa sa mundo ngayon ay kumikilos upang mawala na ang parusang kamatayan sa kanilang mga teritoryo.

Ngunit paano na lang ang kampanya kontra-druga ng kasalukuyang administrasyon? Hindi kaya ito magiging bigo kapag hindi naibalik ang parusang kamatayan?

Hindi, mga kasama.

Ayon sa isang research na ginawa ng Amnesty International, sa kabila ng maraming napatawan ng parusang kamatayan dahil sa mga drug offenses sa mga bansang maaari ito, wala pa rin silang nakitang ebidensya na ang death penalty ay nakapagpahina sa mga drug offenses.

Maaaring ibang approach ang kailangan para mapigilan ang mga drug offenses, hindi ang death penalty, sabi ng Amnesty International.

Kaya labanan natin ang pagbalik ng death penalty! Maging pro-life tayo, mga kasama.