Programang kontra-droga ng administrasyon

0
179

Sa kabila ng maraming batikos, tuloy pa rin ang programa laban sa droga ng administrasyong Duterte.

Hindi maikakaila na marami rin ang natutuwa sa ganitong programa.

Ayon sa datos ng pamahalaan, mula Hulyo 2016 hanggang Disyembre 2018, mayroon nang 117,385 operasyon laban sa droga na nagbunga ng pagka-aresto ng 167,135 katao at pagkakumpiska ng droga at mga laboratory equipment sa halagang P25.62 billion.

Ayon naman sa Amnesty International, naging kontra-mahirap ang anti-drug program ng administrasyong Duterte, at nagbibigay ng walang habas na kapangyarihan sa kapulisan at awtoridad upang pumatay at manghuli ng mahihirap sa buhay.

Ganun pa man, alam ba ninyo na inabswelto sa parusang panghabambuhay na pagkakabilanggo ng ating Korte Suprema ang isang akusado ng pagtitinda ng droga dahilan sa hindi pagsunod ng mga awtoridad sa tamang proseso sa kanyang pagkaaresto?

Ito ay nangyari sa kasong “People of the Philippines vs. Mary Jane Cadiente” (G.R. 228255) na hinatulan ng Korte Suprema nito lamang Hunyo 10, 2019.

Sa nasabing kaso, ay nakatanggap umano ng balita mula sa confidential informant ang Makati police na nagtitinda ng bawal na gamot itong si Mary Jane at kanyang asawa sa kanilang lugar sa Brgy. Rizal, Makati City.

Agad na nagbuo ng isang team ang Makati police upang magsagawa ng buy- bust operations kung saan, isang police ang naatasang tumayo bilang poseur buyer at binigyan ng P500.00 marked money. Kinoordina din ang buy-bust operations sa Philippine Drug Enforcement Agency.

Pagdating di umano ng buy-bust team sa lugar ay kanilang inabutan itong si Mary Jane sa tabi ng daan. Kinausap siya ng confidential informant na may gustong bumili sa kanya ng shabu sa halagang P500.00. Matapos ibigay sa kanya ng poseur buyer ang naturang halaga, kumuha siya ng shabu mula sa kanyang wallet at binigay ito sa poseur buyer. Dito na inaresto ng team si Mary Jane.

Tumuloy sila sa Baragay Hall upang gawin ang pagkuha ng larawan at pagimbentaryo sa nakuhang mga bagay mula kay Mary Jane. Ang pagmamarka at pagiimbentaryo sa nakonpiskang bagay ay sinagawa saksi ang Barangay Captain.

Dinemanda nila si Mary Jane sa salang Selling of Illegal Drugs (Violation of RA 9265, Art. II, Sec. 5) at siya ay nahatulan ng Regional Trial Court of Makati (RTCMakati) ng pagkabilanggo habang buhay o life imprisonment.

Nag-apila naman sa Court of Appeals ang kampo ni Mary Jane. Dito ay binaggit nilang hindi kompleto ang naging saksi sa imbentaryo at pagkuha ng litrato sa mga nakuhang gamit mula kay Mary Jane.

Ganun pa man, sinangayunan ng Court of Appeals ang RTC-Makati sa kanyang desisyon dahil sabi ng Court of Appeals, napatunayan ng buy-bust team na buo pa rin ang ebidensya laban kay Mary Jane at hindi ito nasira.

Kaya, nanatiling habang buhay na pagkabilanggo ang hatol laban kay Mary Jane.

Umakyat naman si Mary Jane sa Korte Suprema.

Sinabi ng Korte Suprema na nakalagay sa Sec. 21 ng Article II ng RA 9165 na kailangang ang apprehending team ay agad-agad na magsagawa sa harap ng akusado o kanyang abogado ng imbentaryo at pagkuha ng litrato ng mga bagay na nakumpiska mula sa akusado sa harap ng:

  1. a) taga mass media
  2. b) taga Department of Justice
  3. c) at sinumang elected officials.

Kailangan ding pumirma ang mga ito sa imbentaryo na ginawa.

Kung sakaling hindi makasunod ang apprehending team sa gagawing ito, kailangang maipakita nila sa korte na ginawa nila ang sapat na hakbang upang mapadalo ang nasabing mga tao sa nasabing inventory subalit hindi nakapunta ang mga ito dahil sa sapat na mga dahilan.

Sa kaso ni Mary Jane, hindi naipakita na kinontak ng apprehending officers ang taga Department of Justice at taga mass media. Hindi rin naipakita na kumuntak sila ng sinumang maaring pumalit sa mga ito.

Maliwanag na walang pagsunod sa Sec. 21 ng Article II ng RA 9165 sa kaso ni Mary Jane.

Hindi nakapirma sa Inventory Receipt ang taga Department of Justice at taga mass media. Hindi rin naipakita sa harap ng judge na kinontak sila ng apprehending team ngunit dahil sa mabigat na dahilan ay hindi sila nakapunta.

Dahil dito, walang bisa ang pagkakakuha ng mga bawal na bagay (marked money, shabu, atbp) mula kay Mary Jane.

Hindi rin ito maaring gamiting ebidensya laban sa kanya sabi ng Korte Suprema.

Pinawalang sala ng Korte Suprema itong si Mary Jane.

Harinawa ay maging aral sa ating mga law enforcers ang kasong ito.

Dapat sumunod sa mga tinatakda ng batas sa anumang pang -aaresto lalo na’t may kaugnayan ito sa programang Kontra-Droga ng pamahalaan.

Kung hindi ay mawawalang bisa ang lahat ng inyong paghihirap.