Marcos, bakit mo kasama ang buong barangay sa Davos?

0
191

Jan 16, 2023

Editorial, Rappler.com

Lahat ng acoustics ng Davos trip, sintunado. Talaga bang wala lang, makadalo lang?

Davos sa Switzerland – may shared history ang lugar na ito kay Presidente Ferdinand Marcos Jr., at hindi ito puwedeng kalimutan, kahit sabihin ng isang foreign affairs undersecretary na, “I don’t think it’s an issue.”

Ang Switzerland ang pinaglagakan ng bilyon-bilyong ill-gotten wealth ng mga Marcos noong panahon ng Martial Law.

Imagine, tatapak si Marcos sa bansang nag-ingat ng tagong yaman ng kanyang pamilya, at tatapak siya doon bilang head of state. Truth is stranger than fiction nga naman. 

Pero hindi ito tungkol sa treasure hunt. Ito’y tungkol sa pagpunta ni Marcos sa Davos upang umattend ng World Economic Forum (WEF). 

Maraming usaping mas mahalaga sa kagyat. Una, bakit ayon sa report ng Vera Files, nasa 70 ang bilang ng Philippine delegation?

Aba’y talong-talo talaga natin ang Estados Unidos na may 19 na miyembrong ipinadala at wala si President Joe Biden; ang India na nagpadala ng pitong tao at hindi rin kasama si Prime Minister Narendra Modi; ang Finland na tatlong ministro lang ang ipadadala kahit kasama ang prime minister nila na si Sann Marin.

Kung babalikan din natin ang kasaysayan ng pagpapadala ng Pilipinas sa Davos, nagpunta si dating pangulong Benigno Aquino III na may karay na pitong tao noong 2013. At ayon sa isang kasama sa biyahe, nag-renta sila ng maliit na bahay, nag-share ng kuwarto at banyo, at nagluto ng sariling almusal. (Walang datos kung ilan ang kasama ni Gloria Arroyo sa Davos.)

At eto pa, kasama sa 70 ang showbiz stars na mag-e-entertain sa mga Pilipino sa Switzerland.

Sabi naman ng resident economist ng Rappler na si JC Punongbayan, medyo dyahe kapag tinanong si Marcos sa Davos kung ano ang ginagawa niya upang labanan ang inflation and cost of living crisis. Umabot ng 8.1% ang inflation nitong Disyembre at may shortage sa pangunahing mga bilihin tulad ng sibuyas at itlog. Context: patok na issue sa WEF ang cost of living issue dahil na nga sa recession.

Ano raw ang fundamentals na puwede nating ipagmalaki na magbibigay-katuwiran sa Maharlika Investment Fund na balak ni Marcos ilako sa Davos? 

Ang sovereign wealth fund ay isang diskarte ng mga bansang may excess wealth. Ini-invest ang disposable wealth upang mapalago ito.

Pero lumagpas ang gastos ng gobyerno sa  P1.23 trilyon mula Enero hanggang Nobyembre 2022; umabot nga ang utang ng Pilipinas sa P13.64 trilyon nitong Nobyembre, at ang debt-to-GDP ratio na 63.7% ang pinakamataas sa loob ng labimpitong taon.

Anong larawan ang nabubuo sa klase ng pamumuno ni Marcos sa Davos trip na ito?

  • Bongga, pero walang pakialam sa gastos. Ilan sa 70 delegasyon ang sagot ng Pilipinas? Bakit hakot ang buong barangay?
  • Gusto talaga niya ng international validation. Gusto niyang makilala sa buong mundo sa pinakamabilis na panahon – kaya nga ito na ang 8th trip niya sa loob ng pitong buwan mula nang manumpa. O type lang talaga niya mamasyal. Kayo na ang humusga.
  • Atat. Walang malinaw na dahilan upang dalhin na ang Maharlika sa pandaigdigang entablado gayong hindi pa ito naipapasa ng Senado. Bakit nagmadali? May iba bang agenda? Sabi ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III, “ploy” daw ito upang ma-pressure ang Senado. Siguro.

Ang daming problema sa bansa. Naging simbolo na ang sibuyas ng incompetence at cluelessness ng administrasyong ito sa larangan ng ekonomiya. Mismong mga stewardess na dati’y designer goods ang iniuuwi, nagbibitbit na ng sibuyas.

Last time we checked, inihalal ng taumbayan si Marcos na presidente, hindi ambassador-at-large.

Lahat ng acoustics ng Davos trip, sintunado. Talaga bang wala lang, makadalo lang? – Rappler.com