30.8 C
Manila
Wednesday, May 1, 2024
Home Blog Page 867

MisOr guv to SK officials: Winning is only half the battle

0

More than a thousand newly elected officials of the Sangguniang Kabataan (SK) in Misamis Oriental took their oath office before Gov. Yevgeny Vincente Emano on Saturday as he pledged to allocate funds to help them implement their programs and projects.

Labor groups kontra sa muling pagtaas ng presyo ng petrolyo

Nagtipon-tipon ang mga labor groups na pinangungunahan ng Kilusang Mayo Uno, upang ipanawagan at ipaabot sa Department of Trade and Industry (DTI), Employers Confederation of the Philippines (ECOP), at sa main office ng Shell sa lungsod ng Makati ang kanilang mga hinaing patungkol sa sinasabing “Triple Whammy” – pagtaas ng presyo ng mga bilihin , mababang sahod ng mga manggagawa, at kontraktwalisasyon.

Ang mga nasabing problema’y kaakibat ang paghihirap na nadadanasan ng mga manggagawa, lalo na sa hanay ng mga kontraktwal.

Para sa kanila, ang pagtaas ng mga bilihin dulot ng TRAIN LAW ay paghihirap ang epekto at pagkasadlak sa mga manggagawa na tumatanggap lamang ng mababang sahod samantalang patuloy ang pagtaas ng mga presyo ng bilihin, pamasahe, at ang pagtaas muli ng presyo ng langis.

“Sa kasalukuyan po hindi na nga nadagdagan ang sahod ng mga manggagawa ay dinagdagan pa ng pasakit ng gobyerno ang mga manggagawang ito sa pamamagitan ng pagsasabatas o pagpapairal ng TRAIN Law na ito, na siyang pangunahing nakaaapekto sa mga pangangailangan ng maliliit na mamamayan,” sabi ni Maristel Garcia, Spokesperson ng Alyansa ng manggagawa laban sa Kontrakwalisasyon (ALMAKON).

Kinundena rin ng mga grupo ang DTI dahil hindi raw nito nakikita ang pasakit dulot ng Train Law at lalo pang itinulak ang mga polisiyang ito upang magkaroon ng VAT, excise tax at deregularisasyon sa presyo ng langis.

Reklamo naman nila sa ECOP ang pagbabasura nito sa proposal ng Makabayan bloc sa Kongreso sa pamamagitan ng House Bill 7787 na dagdagan ang sahod ng mga manggagawa na kamakailan lamang ay sinabi ng ECOP mula kay Ginoong Sergio Ortiz-Luiz na imposible itong mangyari sapagkat ang pagpapataas sa sahod ay magdudulot lamang ng pressure sa inflation. Ngunit para sa mga labor groups, hangad lamang nila ang tubo.

Ayon rin sa Alyansa ng mga Manggagawa Laban sa Kontraktwalisasyon (ALMAKON), ang makikinabang lang umano sa pinirmahan ni Duterte na Executive Order number 51 ay ang ECOP at hindi ang mga manggagawa. “Nagsisilbi lamang ang ilang ahensya ng gobyerno sa malalaking negosyante, malalaking kapitalista na nagpapahirap sa hanay ng mga mamamayan,” sabi ni Maristel Garcia, Spokesperson ng ALMAKON.

Huling pinuntahan ng mga grupo ng manggagawang ang Shell Main Office para bigyang-diin din ang deregularisasyon sa presyo ng langis. Sa kasalukuyan ay tumaas ang halaga ng gasolina sa 65 centavos kada litro, ang diesel naman sa 35 centavos kada litro samantalang ang kerosene ay umabot naman sa 45 centavos kada-litro. Kasama ang Shell Petroleum Corp. sa mga kompanya sa Pilipinas na nagdeklara ng pagtaas ng presyo ng langis. Nagsagawa ng die-in protest ang mga grupo, dala-dala ang mga nakasulat na panawagan sa kanilang mga poster. Sumisimbolo ang die-in protest sa pagpapahirap at pagdurusang nararanasan ng mga manggagawa dahil raw sa kawalan ng puso ng gobyerno kasabwat ang malalaking negosyante.

The post Labor groups kontra sa muling pagtaas ng presyo ng petrolyo appeared first on Manila Today.

Militarisasyon sa West PH Sea


Sa pinakatimog na bahagi ng bansang China matatagpuan ang islang probinsiya ng Hainan.

Dinadayo ng lokal at dayuhang mga turista ang islang ito. At dahil sa estratehikong puwesto nito—nasa bungad ito ng malaking katawan ng dagat na tinatawag ng China na South China Sea, at tinatawag ng Pilipinas na West Philippine Sea—matatagpuan din sa isla ang isang institusyong naglalayong bigyang-katwiran ang tumitinding militarisasyon ng armadong puwersa sa naturang katawan ng dagat.

Sa Hainan matatagpuan ang National Institute for South China Sea Studies. Taong 2014 nang makasama ang Pinoy Weekly sa isang “familiarization tour” na inisponsor ng embahada ng China para sa mga Pilipinong miyembro ng midya. Sa naturang institusyon, pinag-aaralan ang umano’y historikal legal na mga batayan ng pag-aangkin ng kanilang bansa sa mga teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Inikot ang mga mamamahayag sa isang eksibit na nagpapakita ng lumang mga mapa na umano’y nagpapatunay na dati nang pag-aari ng China ang mga isla at bahura (reefs) sa naturang dagat. Pasok umano ang mga lugar na ito sa isangnine-dash line na sumasakop sa halos buong South China Sea. Bawal kumuha ng larawan ang naturang mga mapa—para sana maberipika o mapasubalian.

Sa isang porum ng mga eksperto ng naturang institusyon noong panahong iyon (taong 2014, si Pang. Benigno Aquino III pa ang presidente sa Pilipinas), nagpahayag si Wu Chicun, noo’y presidente ng naturang think-tank ng gobyerno ng China, ng fearless forecast o mapangahas na hula:

“Gaganda ang relasyong China at Pilipinas sa susunod na administrasyon.”

‘Gumandang relasyon’

At “gumanda” nga. Pag-upo sa poder ni Pangulong Duterte, agad nagbukas siya ng mainit na pakikipagrelasyon sa gobyernong Tsino. Bumisita siya sa Beijing, kabisera ng naturang bansa, at personal na nakaharap ang Punong Ministro nito na si Xi Jinping.

Samantala, nagdesisyon ang Permanent Court of Arbitration sa The Hague, The Netherlands noong Hulyo 2016 pabor sa reklamo ng Pilipinas kaugnay ng mga reklamasyon at pananakop ng China sa mga bahura at isla sa West Philippine Sea. Inayunan ng naturang korte ang paninindigan ng Pilipinas na nakapaloob sa exclusive economic zone (EEZ) ang marami sa mga teritoryong inaangkin ng China, tinatayuan nito ng mga imprastraktura.

Pero hindi kinilala ng gobyernong Tsino ang desisyon ng naturang korte. Katunayan, noong Hulyo 12, 2016, isang araw matapos ilabas ng korte ang desisyon, nagpalipad at nagpalapag pa ang China ng dalawang civilian planes sa isa sa artipisyal na mga isla na tinayo nito. Samantala, tuluy-tuloy ang pagpapatayo ng mga imprastraktura sa mga bahurang pasok sa EEZ ng Pilipinas.

Matapos ilabas ang desisyon, agad na minaliit ni Duterte ang halaga nito. Katunayan, kamakaila’y tinanggi pa ni Duterte na sa ilalim ng kanyang panunungkulan inilabas ang desisyon ng naturang korte. Sinisi pa niya ang nakaraang administrasyon na hinayaan lang daw ang pagtayo ng China ng mga imprastraktura.

Pagtagal niya sa poder, lalong uminit ang relasyon sa pagitan ng gobyerno ng China at Pilipinas. Marami sa mga proyektong pang-imprastraktura sa ilalim ng programang Build Build Build!, sangkot ang China sa pagpapatayo. Halimbawa nito ang mga proyektong reklamasyon sa Manila Bay na tinaguriang “Manila Bay City of Pearl” – ang tinaguriang magiging pinakamalaking “smart city” sa buong Timog Silangang Asya.

Kumbaga,  nakatakdang gumawa muli ng mga isla ang China sa mismong Manila Bay—sa tulong at suporta ng mismong administrasyong Duterte.

Aerial photo ng eroplanong pangmilitar ng China sa Subi Reef, mula sa CSIS/AMTI

Aerial photo ng eroplanong pangmilitar ng China sa Subi Reef, mula sa CSIS/AMTI

Militarisasyon

Noong nakaraang buwan, ibinalita ng Philippine Daily Inquirer, ang paglapag at paglipad umano ng mga eroplanong militar ng China sa mga artipisyal na isla sa West Philippine Sea. Noong Enero 2018 pa kinuha ang naturang mga larawan.

Nakakuha ang naturang pahayagan ng mga larawan ng paglapag ng dalawang Xian Y-7 military transport planes sa artipisyal na mga isla ng China sa Panganiban Reef (kilala rin sa pandaigdigang pangalan na Mischief Reef). Pasok ang lugar na ito sa EEZ ng Pilipinas. Ayon sa Inquirer, hindi pa masabi kung ito ang unang pagkakataon na lumapag ang mga eroplanong pangmilitar ng China sa naturang teritoryo ng Pilipinas.

Dalawang linggo lang ang nakaraan, inanunsiyo ng People’s Liberation Army Air Force (PLAAF) ng China na naglapag at nagpalipad ito ng H-6K bomber planes sa Woody Island, isa sa mga isla sa South China Sea/West Philippine Sea na kontrolado nito. Tinuturing ang H-6K bomber planes bilang isa pangunahing bombers ng PLAAF. Kaya nitong magdala ng intercontinental missiles at kahit armas nukleyar.

Ikinagalit siyempre ng maraming makabayang grupo at personalidad ang pinakahuling mga aksiyong militar ng China sa West Philippine Sea. “Dapat na itigil na ni Pangulong Duterte ang pangangayupapa sa China dahil pinalalala lang ng mga aksiyon ng China ang tensiyon sa rehiyon. Dapat itigil na ito ng China,” sabi ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate.

Kinondena ng mga progresibo ang paghayag ni Duterte na “wala siyang magagawa” sa harap ng militarisasyon ng China sa teritoryo ng Pilipinas. Malinaw na kinokompromiso umano ng administrasyong Duterte ang soberanya ng Pilipinas sa mga pahayag ni Duterte. Sa kabila ng pagiging mahina ng Pilipinas sa kapangyarihang militar, maraming maaaring magawa pa rin ito para igiit ang soberanya sa West Philippine Sea.

Ayon kay Zarate, maaaring gawin ng gobyerno ang sumusunod: “(1) Magdeploy ng mga tropa sa Kalayaan Group of Islands; (2) Magdeploy ng mas maraming barko ng coast guard sa mga teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea; (3) Ayusin ang airstrip ng isla ng Pag-asa sa lalong madaling panahon.” Hindi ito kaiba sa ginawa ng iba ring bansa na gumigiit ng ilang teritoryo sa West Philippine Sea, tulad ng Vietnam.

Samantala, maaaring ipagpatuloy ang diplomatikong presyur ng gobyerno ng Pilipinas sa China at paghihiwalay sa China sa harap ng pandaigdigang odyens sa isyu ng kanilang militarisasyon sa West Philippine Sea.

Magagawa umano ang mga ito nang hindi kumikiling sa mas mapanganib at mabangis na imperyalistang bansa—ang Estados Unidos.


 

Karapatan condemns killings of women peasants, indiscriminate firing vs urban poor group’s office

0

“Karapatan condemns in strongest terms the recent killings of two women peasant leaders Beverly Geronimo of Agusan del Sur and Carolina Lana of Aurora Province last Sunday, May 27, 2018. Such forms of violence instigated by suspected state agents should stop,” said Karapatan Secretary General Cristina Palabay. 

read more

Isang taong teror

Isang taon nang pinatutupad sa isla ng Mindanao ang batas militar. Isang taon na mula nang masimulan ang pagkasira sa lungsod ng Marawi sa ngalan ng giyera kontra sa mga terorista.

Pero para sa rebolusyonaryong kilusan na target ng batas militar sa Mindanao, terorismo ang mismong ipinataw ng militar at rehimeng Duterte sa mga mamamayan ng Mindanao at Bangsamoro.

“Kinober ng batas militar ni Duterte hindi lang ang Marawi kundi ang buong isla ng Mindanao, (at) binigyan ng buong lisensiya at kontrol ang AFP/PNP (Armed Forces of the Philippines/Philippine National Police) sa pagharang at paglaban sa sinumang tinuturing na ‘teroristang banta’ ng reaksiyonaryong estado,” sabi ni Joaquin Jacinto, tagapagsalita ng National Democratic Front sa Mindanao.

Ang naging resulta: limang buwan ng walang-habas na pananalakay ng militar sa baba, habang sunud-sunod ang pambobomba mula sa ere gamit ang pinakahuling bombers, jet fighters, drones, helicopters, at artillery ng AFP, sa tulong ng armadong puwersa ng US.

Wasak ang buong lungsod ng Marawi habang napaslang naman ang di-pa-rin-mabilang na mga sibilyang naiwan o naipit sa lungsod. Ang tantiya ng NDFP, mahigit isanlibong sibilyan ang nasawi sa Marawi.

“Nagresulta din ito sa isa sa pinakamalawak na ebakwasyon sa bansa sa bagong kasaysayan, kung kalian kalahating milyon ang puwersahang lumikas mula sa kanilang mga tahanan at kabuhayan para maligtas,” sabi pa ni Jacinto. “Ipinasailalim naman sa ilang buwan ang mga bakwit (evacuees) sa gutom, kahihiyan at panliligalig sa mga evacuation center na di masyado suportado, (at) nasadlak ang ilang sibilyan sa kalungkutan at halos-kabaliwan.”

Samantala, sa buong Mindanao, pinakawalan umano ng AFP ang mga operasyong militar sa lahat ng rehiyon. Gumamit ang mga operasyong ito ng pambobomba mula sa ere at panganganyon—para sundin ang utos ni Duterte na “patagin ang mga burol.”

Tinatayang 51 batalyon ng Philippine Army ang nadeploy sa buong Mindanao—o humigit-kumulang 72 porsiyento ng buong puwersa ng AFP sa buong bansa.  Magmula Mayo 23, 2017 hanggang Mayo 2018, nakatala ang Karapatan ng 49 biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa Mindanao, o isang biktima kada linggo.

“Maliban sa Marawi City, daandaanlibong mamamayang Lumad, Bangsamoro at magsasaka sa isla ang puwersahang nagbakwit nang walang tiyak na suporta,” sabi pa ni Jacinto. “Sa mga bakwit na Maranao, sa kabila ng paulit-ulit na mga pangako ng rehimeng US-Duterte (sa pamamagitan ng “Task Force Bangon Marawi”) na ibabalik sila sa kanilang mga tahanan, nananatili sila sa mga barungbarong na tent cities sa labas ng Marawi.”


Featured photo: Larawan ni Kathy Yamzon

Kaligtasan ng obrero, seguruhin

Screencap mula sa video ng aksidente sa pabrika ng Hanjin sa Subic, Zambales na pinaskil ng FB page ng Samahan ng mga Manggagawa sa Hanjin. Makikita sa video ang aktuwal na pagkalaglag ng isang manggagawa habang nakalambitin at nanganganib ang iba pa.

Screencap mula sa video ng aksidente sa pabrika ng Hanjin sa Subic, Zambales na pinaskil ng FB page ng Samahan ng mga Manggagawa sa Hanjin. Makikita sa video ang aktuwal na pagkalaglag ng isang manggagawa habang nakalambitin at nanganganib ang iba pa.

Dapat nang magpasa ang Senado ng isang maka-manggagawang panukalang batas na nangangalaga sa kaligtasan ng mga manggagawa.

Ito ang pahayag ng Kilusang Mayo Uno (KMU) matapos ang malagim na pagkamatay ng isang manggagawa at pagkadisgrasya ng iba sa isang aksidente noong Mayo 12 sa Hanjin Heavy Industries and Corporation (HHIC) Philippines, na nag-oopereyt sa Subic, Zambales.

Nagprotesta sa harap ng Senado ang mga manggagawa sa pangunguna ng KMU noong Mayo 21 para manawagan ng katarungan para sa mga biktima ng Hanjin, gayundin para itulak ang mga mambabatas na ibasura at palitan ang “pinalabnaw” na bersiyon ng Occupational Safety and Health (OSH) Bill na ipinasa noong Pebrero.

Kasabay ng protesta ang pulong ng Bicameral Conference Committee (Labor, Employment and Human Resources Development) ng Senado para talakayin ang Occupational Safety and Health Standards Act. Ayon sa KMU, kapos ito sa mga probisyon para panagutin ang mga kompanya sa mga paglabag sa kaligatasan ng mga manggagawa sa mga pabrika.

“Ang pagkamatay at pagkasugat ng mga manggagawa ng Hanjin ay direktang resulta ng malalang paglabag ng kompanya at pagkabigo nitong sumunod sa mga pamantayan kaugnay ng kaligtasan ng mga manggagawa,” sabi ni Lito Ustarez, bise-presidente ng KMU.

Mariin din niyang kinondena ang gobyerno sa umano’y pagbubulag-bulagan nito sa ganitong mga gawain.

Naging viral sa social media ang pagkahulog ng apat na manggagawa ng Hanjin sa pagawaan nito ng barko noong Mayo 12 na nagresulta sa pagkamatay ng isa at pagkakaospital ng iba pa.

Agad namang ipinag-utos ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang Hanjin subcontractor na Binictican I-Tech Corp. na ipatigil ang paggawa matapos ang aksidente.

“Ang pagsandig ng Hanjin sa subcontracting ay sinadya para mapababa ang pananagutan nito kapag may aksidente, subalit ang mas malakas na batas sa kaligtasan ng mga manggagawa ay magtitiyak na mapapanagot ang Hanjin sa kriminal na kapabayaan at maling pagtrato sa mga manggagawa,” ani Ustarez.

Samantala, nagpahayag naman ng pagtanggap ang Gabriela Women’s Party sa pag-apruba ng OSH Bill  sa bicameral level ng Senado habang nangakong ipagpapatuloy ang pagtulak sa kriminal na pananagutan ng mga kompanyang lumalabag sa kaligtasan ng mga manggagawa.

Itinuturing ng Gabriela na historikal ang pag-apruba sa OSH Bill matapos ang apat na taong pagkakampanya nito kasama ng mga samahan ng mga manggagawa.

“Hindi na makakatanggi ang mga kompanya sa loob ng economic zone sa inspeksiyon kaugnay sa pagsunod sa mga pamantayan sa kaligtasan ng mga manggagawa o kung may aksidenteng may naganap,”ayon kay Gabriela Rep. Arlene Brosas.

Kabilang pa umano sa panukala ang karapatan ng manggagawa na tumangging magtrabaho o lumiban kung may “panganib” sa pagawaan.

Idinagdag ni Brosas na bagamat hanggang P100,000 lang kada araw ang multa at walang kriminal na pananagutan ang mga kompanyang lalabag, malaking pagbabago na ito kumpara sa umiiral na P1,000 hanggang P10,000 multa.

Unang isinampa ng Gabriela, kasama ng blokeng Makabayan ang panukala noong 2014 matapos ang mga aksidente sa mga pagawaan kabilang ang naganap sa Eton Residences sa Makati at Hanjin sa Subic.


 

Diktadurang Duterte, halos kumpleto na

Nitong Mayo 11, nangyari na ang matagal nang inaasahan ng marami kaugnay ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno: Napatalsik na siya sa botohang 8-6 ng mga kapwa mahistrado niya sa Korte Suprema. Pinagbotohan ng mga mahistrado ang petisyong quo warranto (sa esensiya, pagkuwestiyon sa kuwalipikasyon ni Sereno bilang Punong Mahistrado) na isinampa ni Solicitor General Jose Calida.

Ang problema, ayon sa maraming eksperto sa batas, malinaw sa Saligang Batas na sa pamamagitan ng impeachment lang matatanggal ang Punong Mahistrado ng Korte Suprema. Nakasaad nga naman ito sa Artikulo XI, Seksiyon 2 ng Konstitusyong 1987. Isa pa, ayon naman sa mga panuntunan ng korte, maaari lang magpetisyong quo warranto para matanggal ang isang opisyal sa loob ng isang taon matapos siya maupo sa puwesto.

Ibig sabihin, bali-baliktarin man ang mga argumento, hindi mapasusubaliang labag sa Saligang Batas ang pagpapatalsik kay Sereno.

Sa pagboto rin para sa pagpapatalsik kay Sereno, bumoto ang limang mahistrado na dati nang tumestigo laban kay Sereno sa nagdaang mga pagdinig sa Senado: sina Associate Justices Lucas Bersamin, Diosdado Peralta, Francis Jardeleza, Samuel Martires at Teresita Leonardo-De Castro. Silang mga nag-aakusa laban kay Sereno ay sila ring maghuhusga ukol dito. Ayon sa mga eksperto sa batas, labag ito sa Code of Judicial Conduct (Rule 3.12).

Ang susunod na tanong ngayon para sinumang gustong makaalam sa puno’t dulo ng pangyayaring ito: Bakit pinilit ng ilang mahistrado ng Korte Suprema, gayundin ng Solicitor General, ang pagpapatalsik kay Sereno sa puwesto?

* * *

Unang una, kailangang sabihin: hindi popular si Sereno kahit sa hudikatura. Noong itinalaga siya ni dating Pang. Benigno Aquino III bilang Punong Mahistrado ng Korte Suprema, taong 2012, marami ang ugung-ugong na pulitikal ang pagtatalaga ni Aquino kay Sereno.

Pinalitan niya si Chief Justice Renato Corona na pinatalsik naman sa puwesto noong 2012 sa pamamagitan ng desisyon ng impeachment court ng Senado. Ang hinala naman ng marami noon, tinanggal si Corona dahil sa pagpabor niya sa pamamahagi ng lupain ng Hacienda Luisita na pag-aari ng pamilya ni Pangulong Aquino. Hindi rin ganap na kontrolado ni Aquino si Corona, na itinalaga ng dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Si Sereno ang pinakabatang Punong Mahistrado sa kasaysayan ng bansa. Siya rin ang unang babaing humawak sa naturang puwesto sa hudikatura. May ilang associate justices tulad nina Antonio Carpio, Teresita de Castro at Arturo Brion, na nanomina sa puwesto pero nalaktawan. Pati ang noo’y solicitor general, na ngayo’y nasa Korte Suprema na, na si Francis Jardeleza, ay nabigong makuha ang puwesto.

Nang maupo sa puwesto si Pangulong Duterte, nagkakiskisan agad sila ni Sereno. Umalma si Sereno sa paglabas ng Pangulo ng listahan ng mga aniya’y sangkot sa paglaganap ng ilegal na droga. Kasama sa listahan ang ilang hukom ng korte. Ayon kay Sereno noon, hindi dumaan sa due process ang naturang listahan, at nalalagay ang mga hukom sa panganib.

Ito ang nagbunsod ng sunud-sunod na banat ni Duterte kay Sereno. Inakusahan ng Pangulo ang Punong Mahistrado na “nakikialam” sa kanyang kampanya kontra droga. Dumulo ang kiskisang ito sa pagsampa ng reklamong impeachment ng abogadong si Lorenzo Gadon noong Setyembre 2017.

Inaprubahan ng Kamara (na kontrolado ni Duterte sa pamamagitan ng supermajority) ang reklamong impeachment. Pero lumalabas na hindi sigurado ang boto ng mga senador na tatayong hukom sa impeachment court. Kung kaya, itinulak ni Calida ang petisyong quo warranto. Samantala, agresibong iminungkahi ni Presidential Spokesperson Harry Roque kay Sereno na magbitiw na lang.

Pero palaban si Sereno. Sa maraming pagkakataon, inihayag niya na di siya aatras sa kanyang mga tindig kaugnay ng giyera kontra droga at independensiya ng Korte Suprema mula sa kontrol ng Malakanyang.

* * *

Hindi na nga tinatangkang itanggi ng Malakanyang na may kinalaman ito sa pagpapatalsik kay Sereno. Samantala, lumalabas na lantaran na ang paglabag sa Saligang Batas at mga batas ng bansa sa desisyong ito ng Korte Suprema.

Hindi maitatanggi kahit ng mga tagasuporta ni Duterte na ang pakay ng pagtanggal kay Sereno ay para mas makontrol ng Palasyo ang Korte Suprema. “Ang pakay at nais ni Pangulong Duterte ay mapang-hawakan ang hudikatura,” sabi nga ni Neri Colmenares, dating kongresista ng Bayan Muna, makabayang abogado at isa sa mga tagatipon ng Manlaban (Mga Manananggol Laban sa Extrajudicial Killings). “Ang problema natin lahat dito, ang apekto (tayong) lahat.”

Ngayon, higit kailanman, naipapamalas sa madla ang angking kawalan-ng-independensiya ng hudikatura at ang limitasyon ng sistemang pampulitika sa bansa na dominado ng iilang mayayaman at nasa poder ng Estado. Ang pagkakaiba lang ngayon, mas garapal o lantaran ang pangongontrol ni Duterte sa hudikatura. Kung si Aquino, dinaan pa sa impeachment court ang pagpapatanggal sa Punong Mahistrado na tinitingnan niyang kumokontra sa kanya, si Duterte, lantaran nang nagbanta kay Sereno, lantarang pinakilos ang Ehekutibo para masunod ang gusto.

“Ang unang implikasyon ng desisyon sa quo warranto, matatanggal nila ang Chief Justice, si Duterte ang mag-aapoint ng bagong Chief Justice na sunud-sunuran kay Duterte,” paliwanag ni Colmenares. “Ang pangalawang epekto nito: ang impeachable officials sa buong bansa, lahat ng independent constitutional bodies, takot na takot na ngayon kay Duterte at sa kanyang SolGen kasi baka i-quo warranto rin sila.”

Kontrolado na o di kaya’t inaatake na ni Duterte ang dapat sana’y independiyenteng constitutional bodies tulad ng Commission on Elections, Commission on Audit, Civil Service Commission, at tanggapan ng Ombudsman. Habang sinusulat ang artikulong ito, lumabas ang ulat na pinasa na sa huling pagdinig ang pagbuwag sa Presidential Commission on Good Government o PCGG, na may trabahong bawiin ang tagong yaman ng mga Marcos.

“Paano na tayo kukuwestiyon sa mga kontra-mamamayang polisiya ni Pangulong Duterte? Pupunta ka sa judiciary, hihingi ka ng saklolo dahil nilalabag ang karapatang pantao mo? Pupunta ka sa judiciary, hihingi ka ng saklolo gusto mo sana i-overturn yung Train (Tax Reform for Acceleration and Inclusion) Law ni Duterte na nagpaigting ng mataas na presyo sa Pilipinas? Pero ang judiciary, natatakot na ngayong sumuway o hindi sumang-ayon kay Duterte,” ani Colmenares.

Isa lang ang kahulugan nito: Ang nabubuong diktadura ni Duterte, ang konsentrasyon sa kapangyarihan sa Punong Ehekutibo. Hawak ni Duterte ang supermajority sa Kongreso, may puwang na siyang magtagala ng sariling tao sa posisyon ng Punong Mahistrado. At siyempre, kontrolado at busog sa suhol ang militar at pulisya.

Tungkulin ng mga manggagawa at mamamayan para pigilan ang nabubuong diktadurang ito.

May ulat ni Darius Galang

Featured image: Larawan mula kay Lito Ocampo

GRP forces take ‘hors de combat’ from hospital ICU

[UPDATED] The Philippine National Police (PNP) arrested a badly-injured New People’s Army (NPA) leader from the intensive care unit (ICU) of a local hospital despite protests from paralegals and human rights workers. In an urgent alert, human rights groups Karapatan-Southern Mindanao Region and the Exodus for Justice and Peace said a combined force of PNP […]