Pagbawi ng nasawi sa Nasugbu – Pinoy Weekly

0
283

Halos hatinggabi na nang makarating sila sa St. Peter’s Funeral Home sa Nasugbu, Batangas. Tulad ng inaasahan, bukas pa ang punerarya. Pero hindi pangkaraniwan ang gabing ito. May di-bababa sa limang sundalo na nakabantay sa tarangkahan. May iba pang sundalo na umaali-aligid. May mga pulis din.

Walo silang dumating doon. Umaga na kasi ng Nobyembre 29 nang ibalita sa midya ang pagkamatay ng “15 miyembro ng New People’s Army” sa isang “engkuwentro” diumano sa haywey ng Sityo Pinamintasan, Barangay Aga sa Nasugbu, alas-otso ng gabi noong Nobyembre 28. Nag-usap-usap pa sila, naghanap ng masasakyan, bago nakapunta.

Ang apat sa kanila, mga paralegal at miyembro ng grupong pangkababaihan na Gabriela. Naibalita kasi sa midya, umaga ng Nobyembre 29, na isa sa mga nasawi si Josephine Lapira, 22, dating estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas-Manila at tumayong deputy secretary-general ng Gabriela-Youth sa naturang paaralan. Naalarma, agad na nagtipon ang grupong ito, kinontak ang kaanak ng nababalitang biktima, at tumungo sa Nasugbu.

Pinangunahan ang misyong ito ni Jane Balleta, dating bilanggong pulitikal na kagawad ngayon sa Services Department ng Gabriela. Kasama nila si Nanay Nena (di-tunay na ngalan), ina ni Maya (di rin tunay na ngalan), isa mga nasawi na dati ring miyembro ng Gabriela.

Hindi pangkaraniwan ang gabing iyun. Hindi pangkaraniwang mga sundalo pa ng Philippine Air Force, mula sa 730th Combat Group nito na nakabase sa Nasugbu, ang nagbabantay sa isang punerarya. Siyempre, hinarangan ng mga ito ang pagpasok ng grupo. Kinausap sila ng isang pulis. Sa una, pumayag ang mga ito, basta tig-dadalawa bawat “claimant” ng bangkay. Tatawagan lang daw ang imbestigador ng pulis para sa clearance.

Pero maya-maya, ayaw na muli silang papasukin. “Malakas daw ang formalin,” kuwento ni Jane. Sabi ng superbisor ng punerarya, isinasailalim pa raw ang mga bangkay sa autopsy. “Iyung 15? Ilan ba ang nag-a-autopsy sa inyo?” tanong niya. Hindi makasagot ang bisor. Tumawag siya sa abogado ng Gabriela, at pinakausap sa bisor.

Mga trenta minutos pa, pumayag na ang punerarya at pulis na makita ng mga kaanak ang mga bangkay. Pero pinigilan ng pulis si Jane, na naglabas ng kamera. “Ano po ba kasi ang itinatago ninyo?” Pinayagan din siya.

Pumasok si Nanay Nena, kasunod si Jane. Pumasok din ang mag-asawang magulang ng isa pang biktima, si Kathy (di-tunay na ngalan), 24.  May kadiliman sa loob ng morge. Sa bungad ng kurtina, may dalawang bangkay ng lalaki. Nakasalanlan sa lapag. May basag ang mga mukha, sobrang dumi. Sa unahan nito, isang mesa na may dalawa pa. Lampas nito, isa pang mesa sa tabi ng malalaking lalagyan ng kemikal.

Sa mesang iyun—napadalawang tingin ni Nanay Nena. Parang anak niya. Pero tila nabura na ang kanyang nunal sa itaas-kanang bahagi ng labi. Kung nasaan ang kanyang kaliwang mata, may bulak na ngayon. “Lumuwa na ang mata,” sabi ng isang taga-punerarya. Ang kanyang braso, tila humiwalay na sa katawan. Ang isang braso, nakadikit na lang sa katawan sa pamamagitan ng forceps.

Bumulwak na ang luha ni Nanay. Samantala, sa unahan ng bangkay ng kanyang anak, sa tabi ng isang hagdan, may bangkay ng dalawang babae. Nakita ng mag-asawang magulang ni Kathy. Nakilala agad nila ang kanilang anak.  Nakanganga ito, labas ang ngipin–tila bakas ang paghihirap bago mamamatay.

“Hubad silang lahat,” kuwento ni Jane. Puting tela, na maiksi pa nga para sa buong katawan, ang nakatabing sa kanila. Ang isang bangkay—nakilala bilang si Daniel (di-tunay na ngalan), kasintahan ni Kathy—tila butas ang dibdib.

“Ano ang ikinamatay nila? Ilang tama ng bala?” tanong ni Nanay Nena sa taga-punerarya. “Basta maraming tama,” sagot nito. Lumalabas, hindi totoong isinailalim sa autopsy ang mga bangkay. Amoy formalin, pero namumuo pa ang mga dugo sa kanilang katawan. Si Daniel, butas ang dibdib. Si Kathy, buo pa ang mukha pero tila butas din ang batok.

Pagkalabas ni Nanay Nena sa punerarya, nakita niya ang mga sundalo. Hindi na niya natiis. Pinagmumura niya ito, buong lakas, buong tapang. “Anong ginawa ninyo sa anak ko? Bakit walang mga laman-loob? Ano kayo, mga aswang?!” Tahimik ang mga sundalo. Tahimik ang buong lugar, nakikinig sa nanginginig na sigaw ng isang nagluluksang ina.

Kinabukasan pa umano makukuha ang mga bangkay, ayon sa pulis. Alas-otso ng umaga darating ang hepe ng Nasugbu, si PCInp. Rogelio Pineda Jr. na makakatulong daw sa pagpapauwi sa mga bangkay. Napilitan pang pumunta sa isang otel ang grupo para palipasin ang gabi.

“Pasado alas-otso, nandun na kami sa Nasugbu Police Station,” ani Jane. Sa reception ng estasyon, kunwari pa’y tumatawag ang nakabantay na pulis sa hepe. Samantala, isang pulis na nakadamit-sibilyan ang nagmamando sa mga pulis. “Kapag pumasok ang mga iyan (grupo ng claimants), posasan ninyo!” pasigaw na utos nito sa mga pulis. Nang kumprontahin ito ng mga miyembro ng Gabriela, pumasok ito sa estasyon. Paglabas, nakauniporme na. Siya nga, si Pineda na hepe ng estasyon.

Matapos ang ilang minutong paggiit ng grupo na mapapayag ang pulisya na ibiyahe na ang mga bangkay, napapayag si Pineda. Pero nanermon pa sa mga kaanak: “Dati rin akong aktibista. Dati akong LFS (League of Filipino Students). Namundok din ako. Wala talaga silang mapapala diyan,” sabi diumano ni Pineda, patungkol sa mga aktibista, lalo na mga estudyante, na nagdedesisyong lumahok sa armadong pakikibaka para mag-ambag sa rebolusyonaryong pagbabago sa bansa. Maraming sinabi, pagpapa-blotter lang pala ang magagawa ni hepe para maiuwi ng kaanak ang mga labi.

Noong umagang iyon, dumating na ang magulang ni Daniel. Tinulungan din ito nina Jane na kilalanin ang labi ng anak, at makuhanan ng permiso na maiuwi ito.

Larawan ng labi ni Jo na ipinaskil ng militar sa isa sa mga FB pages nito. Kami na ang nag-blur sa kanyang mukha.

Larawan ng labi ni Jo na ipinaskil ng militar sa isa sa mga FB pages nito. Kami na ang nag-blur sa kanyang mukha.

Samantala, dahil sa pag-leak ng militar sa pangalan ni Jo Lapira, usap-usapan na sa madla ang pagkamatay ng estudyante ng UP Manila, siyang minsang nangarap maging doktor, pero namulat sa mga pampulitikang organisasyon sa pamantasan. Kalaunan, sa kanyang sariling pag-aaral at pagpasya, nakita niya na sa armadong pakikibaka siya kailangang lumahok.

Sa Facebook page na “Legal Army Wives,” pinaskil ng mga militar ang larawan ni Jo na wala-nang-buhay. Ang pakay, marahil, maging babala sa kabataan na huwag lumahok sa mga progresibong organisasyon at lalong mag-ingat na baka ma-“brainwash” ng mga komunista.

Pero nitong Disyembre 4, sa kampus ng UP Manila, nagtipon ang mga kaklase, kaibigan at kasamahan ni Jo para bigyang parangal siya. Mula sa mga opisyal ng pamantasan, hanggang sa mga propesor, hanggang sa mga kaibigan, kinilala at dinakila ang pag-ambag ni Jo (at nina Kathy, Maya, Daniel, at 11 iba pa) para sa makabuluhang pagbabago ng lipunan.

Tila hindi tumatalab ang pananakot at paninira ng militar.


*(Ayon sa Armed Forces of the Philippines, nakakuha raw ang 730th Combat Group ng PAF ng impormasyon hinggil sa dalawang sasakyang lulan ng mga rebelde noong Nobyembre 28. Sinundan umano ng mga elemento nito at ng PNP ang dalawang sasakyan hanggang nakipagbarilan ang mga ito. Nasawi ang 15 “rebelde” at sugatan ang isang drayber na pinararatangan nitong rebelde rin. Ang isa, si Jo, tinakbo pa umano ng mga sundalo sa  ospital at doon nawalan ng buhay. Pero ang ospital—sa Fernando Air Base sa Lipa City—ay mahigit dalawang oras ang layo sa Nasugbu. May mga ospital naman sa Nasugbu. Samantala, nananawagan ng independiyenteng imbestigasyon ang kaanak ng ilan sa mga nasawi.)

**Tinago natin ang tunay na ngalan ng ilan sa mga taong nasa ulat na ito bilang pagsaalang-alang sa kanilang seguridad.