Si Marcos at ang fairy godfather na Estados Unidos

0
195

Sep 26, 2022

Editorial, Rappler.com

Sa pagtapak ni Marcos sa US at pakikipaghuntahan kay Biden, malinaw ang mensahe ng long-time ally: bata namin ito tulad ng tatay niya.

Lahat ng mata, nakatitig kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr nang siya’y muling tumapak sa Amerika nitong Setyembre 19 para dumalo sa United Nations General Assembly. Maraming dahilan, pero hindi nahuhuli diyan ang pagbabalik niya sa bansang nagsilbing pangalawang tahanan niya.

Dito siya madalas mag-shopping kasama ang pamilya – at hindi lang ng damit, sapatos, at bag. Hindi lang basta filthy rich na anak mayaman si Marcos Jr. Hindi siya Jeane Napoles level lang. Alam na nating lahat na ‘pag si Imelda ang nag-shopping spree – building, painting, alahas, atbp. ang sina-shopping. 

Dito sa America siya tumira sa isang mansion at nag-aral sa unibersidad. Dito rin nahuli si Marcos Jr. ng overspeeding at natuklasang marami siyang baril sa kotse – pati ang babaeng katabi niya sa sports car ay may baril sa hita. Pero walang nagawa ang mga otoridad dahil may diplomatic immunity siya noon.

Si Marcos Jr. at ang mga kapatid niya ang katumbas noon ng royalty ng Pilipinas. Nagtataka pa ba tayo bakit damay sila sa narrative na may maharlikang pamilyang naghari sa bansa?

Sa madaling salita, ang Estados Unidos ang bansa ng kanyang pagbibinata. Dito naganap ang mga “wild days” niya bilang isang “virtual prince.” 

Pero hindi na “carefree and lazy” ang Marcos Jr. na nagbalik-Tate, kundi isang presidente – maraming responsibilidad at maraming multo ng nakaraan na pilit tinatalikdan.

Halimbawa, naganap ang biyahe niya sa Amerika sa ika-50 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law sa Pilipinas. Sa mismong panayam niya sa Associated Press sa New York, tinuligsa niya ang pagbabalik-tanaw sa Martial Law. Sabi niya, “It doesn’t change anything…so what’s the point?”

Naganap ito sa panahong marami pang mga biktima ng Martial Law na walang kompensasiyon at walang closure. Ang mga desaparecidos ay hindi pa rin natatagpuan.

Naganap ito sa buwang tinanggihan niyang makipag-cooperate sa International Criminal Court tungkol sa libo-libong kaso ni Rodrigo Duterte ng extrajudicial killings sa Davao at sa buong bansa.

Truth can be stranger than fiction. Maraming reversal of fortune na naganap sa taong ito na halos hindi natin paniniwalaan noon: Ang dating darling of democracy na si Aung San Suu Kyi ay pinabayaan nang mabulok sa kulungan; Queen Consort na si Camilla Parker Bowles, ang dati’y kinasusuklamang mistress ni Prince Charles (na ngayo’y hari na), at oo, presidente na ang anak ng diktador sa Pilipinas, si Marcos Jr.

At siyempre pa, madalas inihahain sa publiko ang putaheng gawa sa politics fairyland.

Sabi ng fairy godfather na si President Joe Biden ng America kay Junior: “We’ve had “rocky times.” Translation: Nagpalipad nga kami ng jet sa Maynila noong 1986 bilang banta sa iyong ama na pakinggan ang panawagan ni Senador Paul Laxalt na “cut cleanly.” Pero kinupkop naman namin kayo sa Hawaii. At huwag na nating pag-usapan si Duterte na sukdulan ang galit sa mga Kano.”

Dagdag pa ni Biden, “It’s a critical, critical relationship from our perspective.” Translation: Kailangan ‘nyo ng madaldal na bully na kakampi sa South China Sea dahil wala kayong kalaban-laban sa bully doon na may armada ng militia ships. Kami naman, kailangan namin ng tatambayan sa Asya. ‘Yun nga lang, ‘pag binubugbog kayo, hindi naman kami makasasaklolo. Hanggang kuda lang kami.”

At ang icing on the cake – napag-usapan din daw ang “respect for human rights.” Translation: Alam mo naman, Bro, requirement ngayon ‘yan. Sana naman hindi ka tumulad sa sinundan mo. Pero kung may “hindi kaiga-igayang“ pangyayari, tiyakin mo naman na may plausible deniability ka.

Kung titingnan, napakaraming bagay ang nagbago ngayong 50 taong nakalipas. Pero sa buod ng maraming bagay, maraming halos walang nagbago, tulad ng relasyon sa pagitan ng US at Pilipinas.

Gamitan, palitan ng ampaw at konkretong mga pangako, pabilugan ng ulo – ‘yan ang relasyong Pilipinas at Estados Unidos sa ilalim ng dalawang Marcos. 

At sa pagtapak ni Marcos sa US at pakikipaghuntahan kay Biden, malinaw ang mensahe ng long-time ally: bata namin ito tulad ng tatay niya. 

Si Marcos naman, ngumisi at tumingin sa kalangitan ng New York: “I’VE ARRIVED,” malamang ang nasambit niya. – Rappler.com